Hindi Bilog ang Mundo

Papauwi ka na sa inyo ng ika’y namatay. Aksidente. Di man ito naging mabigat na balita, malagim pa rin gayunman. Iniwan mo ang iyong may-bahay at ang dalawa mong anak. Dead on the spot ka kaya walang kasakit sakit ang mga naganap. Ginawa naman lahat ng mga rumesponde ang kanilang makakaya ngunit sila’y nabigo. Sobrang nagkalasog-lasog ang iyong katawan kaya sa totoo lang, mas maigi pa ngang namatay ka na lang.

At yan ang panimula ng ating pagtatagpo.

“Ha? Teka anung nangyare?” tanong mo. “Asan ako?”

“Namatay ka.” sabi ko, iyon nga. Di na ako nagpaligoy-ligoy pa.

“May naaalala akong truck na dumudulas…”

“Oo.” sabi ko.

“Na… namatay ako?”

“Tumpak! Pero wag kang malungkot. Lahat naman eh.” sabi ko.

Tumingin-tingin ka sa iyong kinalalagyan. Walang kahit ano. Ikaw lang at ako.

“Anong lugar ito?” tanong mo. “Ito na ba ang kabilang-buhay?”

“Hmmm parang…” sabi ko.

“Diyos ka ba?” tanong mo.

“Oo.” sabi ko. “Ako ang Diyos.”

“Ang asawa ko… mga anak…” sabi mo.

“O bakit sila?”

“Paano na sila?”

“Gusto ko nga ding malaman eh.” sabi ko. “Kamamatay mo pa lang, inaalala mo na agad ang iyong pamilya. Ayos ka din eh no?”

Pinagmasdan mo ako ng may pagkabighani. Para sa iyo, hindi ako mukhang diyos. Mukha lang akong ordinaryong lalake. O maaari ding babae. Isang malabong pigura ng kinauukulan marahil. Mas mukha pang guro sa public school kaysa isang bathala.

“Wag kang magalala.” sabi ko. “Magiging mabuti rin ang kanilang kalagayan. Maaalala ka ng iyong mga anak bilang isang ulirang ama. Di naman sila nagkaroon ng sapat na oras para magkaroon pa ng hinanakit sa iyo eh. Yung misis mo, nagiiyak-iyakan man, nabunutan na daw siya ng malaking tinik sa buhay. Eh sa totoo lang nagsisimula naman na talagang masira ang pamilya mo di ba? Swerte mo na lang kung nagiguilty pa siya na natutuwa siyang wala ka na.”

“Ah ganun ba?” sabi mo. “So anu na ngayon? Mapupunta ba ko sa isang langit o impyerno o kung saan man?”

“Wala!” sabi ko. “Marereincarnate ka.”

“Ah…” sabi mo. “So tama pala yung mga bumbay.”

“Lahat naman may tama sa kani-kanilang paniniwala eh.” sabi ko. “Halika, samahan mo ako maglakad.”

Sumunod ka naman habang naglalakad kayo sa kawalan.

“Saan tayo pupunta?”

“Wala lang.” sabi ko. “Mas masarap lang kase magkwentuhan pag naglalakad.”

“So anu palang silbi?” tanong mo. “Pag nabuhay na ako uli, malilimutan ko na ang lahat di ba? Bilang isang walang kamuwang-muwang na sanggol, lahat ng pinagpaguran ko sa buhay na ito ay mawawalan na ng saysay.”

“Hindi naman sa ganon!” sabi ko. “Nasa iyo na lahat ng kaalaman at karanasan ng lahat ng iyong mga nakaraang buhay. Hindi mo lang sila naalala sa ngayon.”

Tumigil ako sa paglalakad at tinapik kita sa iyong balikat.

“Ang buhay mo ay mas kahanga-hanga, maganda, at mas dakila pa sa iyong inaakala. Ang isip ng tao ay kaya lamang unawain ang kapiranggot ng kabuuan nito. Para itong pagdampi ng iyong daliri sa baso ng tubig para malaman kung mainit ba ito o malamig. Isinasawsaw mo ang bahagi ng iyong sarili, at sa paghugot mo nito, napapasaiyo na ang misteryong bumabalot sa baso.”

“Nabuhay ka ng apatnapu’t walong taon kaya hindi mo pa nasulit ang kadakilaan ng iyong buong kamalayan. Tambay ka pa dito ng konti, magsisimula mo ng maalala ang lahat. Pero yun nga, walang saysay gawin yon sa bawat pagpanaw at pagkabuhay mo.”

“Eh gaano karaming beses na ba ako muling nabuhay?”

“Ah madaming beses na… sobrang dami! At sa iba ibang katauhan na rin.” sabi ko. “Sa katunayan nga eh sa iyong susunod na buhay, magiging babaeng paslit na Tsino ka na anak ng isang magsasaka sa panahong 540 A.D.”

“Saglit, ano?” ang iyong pagbubulalas. “Ibabalik mo ako sa lumang panahon?”

“Hmm parang ganoon. Ang panahon, na iyong alam, ay sa mundo niyo lamang mayroon. Iba ang kalakaran ng mga bagay bagay kung saan ako nanggaling.”

“Eh san ka ba nanggaling?” sabi mo.

“Ah sige.” pahiwatig ko. “Nagmula ako sa isang lugar. Sa isang malayong lugar. At marami ding katulad ko doon. Alam ko gusto mong malaman kung paano ang buhay doon, pero sa totoo lang, hindi mo rin lang maiintindihan.”

“Ah.” sabi mo ng may pagkadismaya. “Pero teka, kung mabubuhay ako ulit sa ibang lugar sa ibang panahon, maaring makasalubong ko ang dating ako.”

“Oo. Lagi naman eh. At sa dalawang ikaw na umiinog ang buhay sa kanya-kanyang kapalaran, malalaman mo bang nangyayari nga iyon?”

“Eh anu pang silbi ng lahat?”

“Di nga?” tanong ko. “Di nga? Tinatanong mo sa akin ang kahulugan ng buhay? Stereotypical na tanong naman yata iyan?”

“Makatwiran naman ang tanong ko ah?” iyong pagpipilit.

Tinignan kita sa mata.

“Ang kabuluhan ng buhay, ang rason kung bakit ko nilikha ang lahat, ay para ika’y magpunyagi.”

“Ah. Tinutukoy mo ba ang buong sangkatauhan? Gusto mo kaming lumago?”

“Hindi, ikaw lang. Nilikha ko ang lahat para lamang sa iyo. Sa bawat buhay, patuloy kang nagpupunyagi at unti unting nararating ang tugatog ng dunong ng sansinukob.”

“Ako lang? Eh pano na yung iba?”

“Wala namang iba eh.” sabi ko. “Sa mundong ito, ay ikaw lamang at ako.”

Tinitigan mo ako ng may pagaagam-agam.

“Ngunit ang lahat ng tao dito sa mundo…”

“Ikaw lahat yon. Ang iba iba mong pagkabuhay.”

“Teka, ako lahat ang sangkatauhan?”

“Ayan nagegets mo na.” sabi ko ng may pagbibigay parangal.

“Ako ay ang lahat ng taong nabuhay sa mundo?” usisa mo.

“At mabubuhay pa, Oo.” tugon ko.

“Ako si Jose Rizal?” tanong mo naman na parang bata.

“Oo, pati si Andres Bonifacio.” dagdag ko pa.

“Ehdi ako rin si Hitler?” wika mo ng may bahagyang pandidiri.

“Oo, at ang libo-libong dumanak ang dugo sa kamay niya.” sabi ko naman.

“Ako din si Hesus?” muli mo pang tanong.

“At pati na ang lahat ng kanyang mga tigasunod.” sabi ko naman na wari’y nakukulitan na.

Nanahimik kang saglit.

“Sa bawat paghamak mo sa iyong kapwa, hinahamak mo ang iyong sarili. At sa bawat pagkalinga mo sa iba, ay siya ding kalinga sa iyong sarili. Ang bawat kasiyahan o paghihinagpis na dinaranas ng iba, ay iyo din namang dinaranas.” aking pahiwatig.

Napaisip ka ng matagal.

“Bakit?” tanong mo sakin. “Bakit lahat ng ito?”

“Dahil balang araw, ay magiging katulad mo ako. Dahil ikaw ay ikaw. At ika’y nagmula sa akin. Ika’y anak ko.”

“Wow!” sabi mo ng halos hindi makapaniwala. “Ibig mong sabihin, diyos din ako?”

“Hindi. Hindi pa. Isa ka pa lamang sanggol sa sinapupunan. Lumalaki. Kapag naisabuhay mo na ang bawat tao ng buong sangkatauhan sa habang panahon, ay magiging sapat na iyon para ika’y maipanganak.”

“So ang buong mundo,” wika mo. “Isa lang siyang…”

“Itlog.” sabi ko. “Hayan, oras mo ng tumulak sa iyong panibagong buhay.”

At ika’y aking hinatid na sa iyong paroroonan.

Share and Enjoy:
  • Digg
  • StumbleUpon
  • del.icio.us
  • Facebook
  • Twitter
  • LinkedIn
  • Ping.fm
  • Plurk
  • Reddit
  • Tumblr