Bakit

Nagsimula sa isang bucket.
Pulang kabayo.
May sipa.
May kalmutan.
Harutan.
Tawanan.
Sa munting sulok ng isang serbeserya, panandalian nating nakalimutan ang kasalukuyan, ang nakaraan.

Sabi mo gusto mo pa.
Sabi ko gusto kita.
Di nakahalata.
Putcha.
Manhid.
Lasing.
Nagpapahaging ng mga ikinukubling saloobin na baka sana ay iyong tanggapin.

Nahimasmasan.
Panandaliang katahimikan.
Pinagtatanto ang naging takbo ng usapan.
Magulo. Mga salitang binitiwan.
Nagbabakasakali. Agam-agam.
Aamin na nga ba?
Halo-halong pakiwari ang naglalaro sa isipan.
Puro pasubali. Torpe.
Pero sa isang iglap ay naibulalas ang silakbo ng damdaming matagal ng itinatago.

Suntok sa buwan.
Laban kung laban.
Yung kaya ka nga nanliligaw,
Kasi siya yung direksyon. Yung linaw.
Naglalatag ng mga planong may saysay, kabuluhan, patutunguhan.
Lunod sa kaisipang may kayo.
Walang titibag.
Until the break of dawn yo!
Ikaw at ako. Tayo.

Maling akala.
Tamang hinala.
Wala nang tiwala.
Gusto nang kumawala.
Nakakasawa. Naghihintayan.
Kung sino ba sa atin ang unang bibitaw.
Yung puno’t dulo, pinagbabalik-tanaw.
Kailan lumabo. Kailan nalusaw.
Ang dating kandilang mas maliwanag pa sa sikat ng araw.

Nagtapos sa isang “bakit?”.
Pulang mata.
May luha.
May kalimutan.
Harapan.
Talikuran.
Sa isang sulok ng inaagiw na silid, panandaliang ginunita ang kahapon.
Handa nang harapin ang bagong kasalukuyan.

Share and Enjoy:
  • Digg
  • StumbleUpon
  • del.icio.us
  • Facebook
  • Twitter
  • LinkedIn
  • Ping.fm
  • Plurk
  • Reddit
  • Tumblr