Ang Kusinera

“Sabel?” sabi nung duktor.
“Hmm?”
“Sabel, alam mo ba kung nasan ka?”
“Opo,” tugon ni Isabel.
“Nasa ospital po.”
“Mabuti naman kung ganon. Natatandaan mo ba ang mga nangyari?”

Napakunot ng noo si Isabel.

“Hindi po lahat… may natatandaan po akong malakas na pagsabog?”
“Tama,” ang pagtitiyak naman ng duktor.
“Mapalad ka Sabel. Wasak na wasak yung kusina ng iyong ama sa naganap na pagsabog. Himalang nakaligtas ka ng may konting paso at galos lang.”
“Marahil nga ho.” ngiti ni Isabel.
“Nakikilala mo ba ko?”
“Kayo po ba ang duktor ko?” hula ni Isabel.
“Tama. Ako si Doctor Versoza.”
“Ikinagagalak ko po kayong makilala doc,” magalang na sabi ni Isabel.
“Sa totoo lang, nagkita na tayo ng mangilang beses,” wika ng duktor.
“Mahigit isang linggo na kitang pasyente. Mejo nagugulumihanan pa marahil ang iyong mga ala-ala.”
“Ah. Ganoon ho ba,” sabi ni Isabel.
“Naku! Mukhang masama yata lagay ko nyan doc?”
“Maayos naman ang iyong pangangatawan Sabel. Wala kang dapat ipagalala. Mejo naguguluhan ka lang siguro ngayon. Labis kaseng nabigla ang iyong panuntunan. May naaalala ka ba sa pagsabog?”
“Uhm… wala ho. Pero, may naaalala akong mga wang-wang, at yung mga kalalakihang bumuhat sakin sa stretcher yata yun. Tapos malabo na ho.”
“Ayos lang yan. Unti-unti ring babalik yan. Eh yung bago nangyari yung pagsabog?”
“Hmm,” sabi ni Isabel.
“Uhm, naaalala ko nasa bahay ako ng tatay ko. Matagal ko na rin kase siyang di nakikita’t nadadalaw eh. Di ko na tanda yung mga detalye pero, naaalala kong gusto niyang magluto ako para sa kanya. Kusinera po kase ako.”
“Isang kusinera?” usisa ng duktor.
“Opo doc. Bata pa lang po kase ako, magaling na po talaga akong magluto.”
“Ah o sige. O tapos?”
“Di ko man nahanap yung taong magmamahal sakin ng tunay…” tuloy ni Isabel,
“eh, ngayon naman po kase, di naman na namin kailangan ng isang lalake sa buhay para maging masaya. So ayun ho. Natuto akong mamuhay magisa. At yung pagluluto, dun lang naman po kase ako talaga magaling.”
“Matanong ko lang, kelan ka nagsimula sa pagluluto?”
“Uhm,” napaisip si Isabel,
“Siguro nagsimula ang lahat nung mamatay si Inay. Nung nawala na po siya, sabi po ni itay na maging tagapagluto na lang daw po ako para sa kanya. Eh sabi ho kase niya, tulong ko na rin daw yon pangdagdag kayod para samin.”
“Ilang taon ka nun?”
“Onse po.”
“Onse?” sabi ng duktor.
“Napakabata mo naman yata para magluto nun?”

Umiling lang si Isabel.

“Wala naman ipinagkaiba ang onse sa trenta’y-singko eh. Mejo maliit nga lang ako nun kaya di ko masyadong abot ang mga bagay-bagay. Pero nung nasanay na ko, kasing galing ko na rin yung mga matatanda.”
“Gaano ka kadalas pinapaluto ng tatay mo?”
“Tuwing gabi po. Pag walang pasok, pati po tanghali. Minsan din doc, sa umaga, pero madalang lang po.”
“Di mo ba ipinagdaramdam gawin yun?”

Napatingin si Isabel sa duktor.

“Hmm… nakakatawa pero nabanggit niyo na lang din, opo doc. Ipinagdamdam ko ngang gawin yon. Pakiramdam ko kase pinipilit ako lagi ni itay na para bang trabaho kong gawin yon. Opo ipinaghinanakit ko ngang gawin yun.”
“Anong ginawa mo ukol dun?” tanong ng duktor.
“Lumayas po ako samin mula nung nagdise-otso po ako. Nakipagsapalaran. Matagal na rin po yon. Yun nga lang, yung nagiisang dahilan ng aking paglalayas, ang siyang kaisa-isang kaya ko lang gawin. Kaya yun, kusinera pa rin po ang kinabagsakan ko.”
“O kamusta naman?”
“Nung una, mahirap.” ang pag-amin ni Isabel.
“Kung saan saan kase ako nagluluto. Wala naman pakialam yung mga tao eh. Basta makaraos lang sila sa gutom, ayos na. Ayun, kahit na ayaw ko, nagtiyaga na lang ako.”
“Tapos natuto ako ng mga diskarte. Kung saan magandang pwesto, mga ganyan-ganyan, saka nagkaroon na ng mga suki. Nagsimula akong makilala. Hindi ho naging madali ang lahat sinasabi ko sa inyo doc. Yung pagiging mahusay sa trabaho mo, maging pagluluto man yan o pagduduktor, kelangan mo pa rin naman talagang magsikap.”
“Di nagtagal, naging tanyag na rin kahit papano. Madami nang naghahanap sakin. Marami na nagooffer sakin ng kuntrata, kahit dati ako yung di malaman kung san raraket. Palaki na rin ako ng palaki maningil. Nagbabayad pa rin naman sila. Hanggang sa nagexpand na rin ako sa catering ng mga pribadong pagtitipon, pangmaramihan, saka minsan pa nga gusto pa nilang ipagluto ko sila sa bahay ko mismo. Eh yun, sulit naman daw bayad nila kase masarap naman daw yung pagkain.”
“At nung mga panahong yun,” sabi ng duktor
“di mo man lang naisip na umuwi na sa inyo?”
“Hindi pa ho.” sabi ni Isabel.
“Siguro kase may hinanakit pa rin ako sa tatay ko,” pagtutuloy pa niya.
“Matagal na panahon man na ang nakalipas, pero yun, pag damdamin kase nagiisip, madalas wala sa ayos.”
“Eh bakit ka nandon muli sa bahay niyo nung maganap yung pagsabog?”
“Napagpasyahan kong dumalaw na rin sa wakas.” paliwanag ni Isabel.
“Napagisip-isip kong di naman dapat ako magtanim ng sama ng loob sa tatay ko ng habang panahon. Mahigit dalawampung taon na rin ang nakalilipas. Marahil nga ay di naging maganda ang takbo ng kapalaran para saming dalawa nung araw. Pero matanda na rin tayo. At syempre, sya pa rin ang nagpalaki sakin. Utang ko pa rin sa kanya ang buhay ko.”
“At anong nangyari sa pagbisita mo?”
“Gaya ng sabi ko kanina, gusto niyang magluto ulit ako para sa kanya. At tatapatin kita doc, nagalit po ako. Sa tinagal-tagal na din ng panahon, di pa rin siya nagbabago. Wala ni katiting! Nakakadismaya.”
“Eh anong ginawa mo?”
“Pumunta ho ako sa kusina,” sabi ni Isabel.
“Eh ano pa nga ba ho ang magagawa ko? Sinundan niya ko dun. Nag-usap saglit habang naghahanda akong mag-hain. Yung kalan, siguro nawala sa isip kong nakabukas na pala kase kinakausap niya ko nun. Tapos yun, sinindihan ko doc yung isa pa. Yun na ho yung huli kong naaalala.”

Sumandal si Doctor Versoza sa kanyang kinauupuan.

“Sabel, maaari ba kitang tanungin ng mejo kakaibang tanong?”

Pakibit-balikat na tugon ni Isabel,

“Kayo’ng bahala doc.”

Sabay buntong-hiningang nagwika siya’t tumingin sa mga mata ni Isabel,

“Anong pinagkaiba ng isang kutsarita sa isang kutsara?”

“Ano ho?” sabi ni Isabel na parang nagulat.
“Isang kutsarita’t isang kutsara? Anong pinagkaiba?”
“Ang kutsarita, ginagamit panghalo ng kape,” paliwanag ni Isabel,
“yung kutsara naman po eh ginagamit pangsubo sa kanin, sabaw, atbp.”

Napakamot ng kilay si Doctor Versoza.

“Mali, Sabel. Ang isang kutsarita at isang kutsara ay ginagamit panukat ng mga kusinero’t kusinera sa buong mundo. Kahit sinong tunay na kusinero alam yan. Maging ang mga ordinaryong nagluluto sa bahay eh alam din yan. Hindi ka kusinera, Sabel. Ni minsan ay hindi ka naging.”

Suminghot si Isabel.

“Kalokohan yan. Kusinera nga po ako. Matagal ko na yung ginagawa mula pa nung pagkabata!”
“Hindi.” sabi ng duktor.
“Hawak ko dito ang record mo sa presinto. Sa loob ng dalawampung taon, mahigit pitong beses ka nang naaresto dahil sa pagbebenta ng aliw.”
“Pagbebenta ng aliw?” pagdiriin ni Isabel,
“Grabe ha! Kasinungalingan! Baka naman ibang tao ang tinutukoy niyo doc? Anong klaseng ospital ba to?!”
“Mental hospital ito, Sabel. Napatay mo ang iyong ama duon sa pagsabog na yon, at binalak mo ring magpakamatay kasama niya.”
“Hindi!” sigaw ni Isabel, habang nagpupumiglas sa kanyang tanikalang damit.
“Hindi totoo yan! Isa akong kusinera!”
“Sadya mong pinalitan ang salitang pakikipagtalik ng salitang pagluluto. Mula pa nung onse anyos ka pa lamang. Ito marahil ay ang natural mong reaksyon upang depensan ang iyong dangal. Ito lang ang tanging naging paraan para kayanin mo ang lahat upang mabuhay.”
“Hindi!” muling sigaw ni Isabel.
“Ngunit naging matatag ka,” pahiwatig ni Doctor Versoza.
“Matatag na higit pa sa aking inaakala. Nagawa mo ngang lumayas sa inyo at mamuhay magisa. At nagawa mo pang bumalik at maghiganti sa lahat ng ginawa sa iyo ng iyong ama.”
“Aaah!” hagulgol ni Isabel.
“Patay na siya,” sabi ni Doctor Versoza,
“Di ka na niya kaya pang saktang muli. Wala na siya dahil pinatay mo na siya. Nakamit mo na ang iyong paghihiganti. Nagwagi ka na.”

Nagpakawala pa ng isang napakalakas na hiyaw si Isabel na siyang nagdulot kay Doctor Versoza ng pangambang baka mapaos nito ng tuluyan ang kanyang tinig. Kaya’t dali-dali itong naglabas ng pampatulog at itinurok sa dalaga. At habang siya’y nawawalan ng malay, nagsulat ang duktor sa kanyang tala-tandaan.

“Makakalagpas din tayo dito,” wika ni Doctor Versoza sa walang malay na si Isabel.
“Nagawa mong lagpasan ang mga bagay na di kayang pagdaanan ng ibang normal na tao kaya’t sisiguraduhin kong makakabangon kang muli. Pangako.”

Sabay tingin sa tala-tandaan. Nung isang araw ay wala talaga siyang matandaan hingil sa pagsabog. Kahapon naman, may naalala na siya ngunit hindi sa pamamahay ng kanyang ama. Natitiyak kong bukas ay mas manunumbalik na sa kanya ang lahat-lahat.

“Pangako.” wika niyang muli habang palabas ng kanyang silid at muli itong ikinandado.

*o ngayon, basahin mo ulit =)

Share and Enjoy:
  • Digg
  • StumbleUpon
  • del.icio.us
  • Facebook
  • Twitter
  • LinkedIn
  • Ping.fm
  • Plurk
  • Reddit
  • Tumblr